Lalaki na Nameke ng Petsa ng Antigen Test Result, Arestado sa Checkpoint

Cauayan City, Isabela- Tuluyang inaresto ang isang lalaki matapos mabisto na binago ang petsa ng COVID-19 Rapid Antigen Test Result nito sa bayan ng Sanchez Mira sa Cagayan.

Kinilala ang suspek na si alyas Jonas, 37 taong gulang, merchandiser ng isang tindahan at residente ng Brgy. Centro 5, Claveria, Cagayan.

Bandang 10:35 ng umaga ngayong araw, Agosto 13, 2021 sa Quarantine Control Point (QCP) sa Brgy Namuac, Sanchez Mira Cagayan, pinara ng mga kapulisan ng Sanchez Mira ang isang van na lulan ng suspek upang tingnan ang dokumento ng mga lulan nito ngunit napansin ng mga pulis ang isang antigen test result na hinihinalang tampered o pineke ang petsa nito na 7-29-2021.


Agad namang nakipag-ugnayan ang RHU Sanchez Mira sa MHO Claveria at batay sa kanilang talaan, ang petsa sa loob nito ay 7-19-2021.

Kalaunan, inamin din ng suspek na binago niya ang petsa ng kanyang antigen test result upang pahabain daw ang bisa nito.

Agad na dinala sa Sanchez Mira Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments