LALAKI NA NANGGAHASA NG 3-ANYOS NA BATA, PATAY MATAPOS MANG-AGAW UMANO NG BARIL SA PULIS

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang suspek sa panggagahasa matapos umanong mang-agaw ng baril at manlaban sa pulis sa himpilan ng Solano Police Station sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Nakilala ang suspek na si Delmar Cadiente, 31 taong gulang, walang asawa at residente ng Brgy Osmeña, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Jet Sayno, hepe ng pulisya, nagtungo sa kanilang himpilan kahapon, April 17, 2021 ang magulang ng tatlong (3) taong gulang na biktima upang humingi ng tulong at ireklamo ang ginagawang panghahalay ng suspek sa kanilang anak.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang panghahalay sa biktima bandang ala una ng hapon kahapon na kung saan agad umanong nagsumbong ang bata sa kanyang nanay.

Nang isailalim sa medical examination ang biktima ay nakumpirma na nagahasa ito kaya’t agad na tumugon ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Ayon pa kay PCapt Sayno, habang isinasailalim sa booking procedure ang suspek ay bigla umano nitong inagaw ang baril ng pulis na umaasikaso sa kanya.

Nagawa pa umanong dumepensa ng pulis subalit nang makita na nasa balag ng alanganin ang inagawang pulis ay pinaputukan na ng 3 beses ni PCapt Sayno ang suspek.

Isinugod pa sa ospital ang suspek para mabigyan ng atensyong medical subalit idineklara itong Dead on Arrival (DOA) ng attending physician.

Facebook Comments