Monday, April 6, 2026

Lalaki na umano’y nai-pad-lock sa isang establisimyento, nasagip ng MPD

Nasagip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 5 ang isang lalaki na umano’y nai-pad-lock sa loob ng isang establisimyento sa Ermita, Maynila.

Ito ay umano’y kaugnay ng alitan sa pagitan ng may-ari ng gusali at ng nangungupahan.

Nabatid na dalawang araw na nanatili ang lalaki sa loob kung saan wala itong pagkain, inumin, at kuryente matapos umano siyang i-pad-lock.

Ayon sa ulat, mismong ang umuupa na nakilalang si Nicole Yabut ang nagpasaklolo sa mga pulis matapos mapag-alamang dalawang araw nang nakulong ang kaniyang tauhan sa inuupahang establisimyento sa bahagi ng service road ng Roxas Boulevard.

Inatasan ni Yabut ang nasabing lalaki na bantayan ang kanilang mga kagamitan matapos magdesisyon ang may-ari na paalisin ang mga nakapuwesto sa gusali dahil umano sa isyu sa bayarin sa property.

Giit naman ni Yabut, may umiiral silang lease agreement hinggil sa pagpapa-upa ng nasabing establisimyento kung saan nila sana sisimulan ang negosyo.

Ayon sa salaysay ng lalaki, ilang araw siyang na-trap sa loob at hindi makalabas dahil may guwardiya sa labas ng establisimyento.

Nagpadala na lamang umano siya ng video sa kaniyang amo bilang ebidensya na siya ay na-lock sa loob ng nasabing lugar.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang sinusubukan ng mga otoridad na makipag-ugnayan sa administrasyon ng nasabing establisimyento.

Facebook Comments