Sunday, May 31, 2026

Ilang research projects at aktibidad sa mga ahensya ng gobyerno, mainam na isantabi pansamantala para iprayoridad ang pagsuporta sa mga Pilipino sa gitna ng pandaigdigang krisis

Iminungkahi ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na pansamantalang isantabi ang non‑essential research projects gayundin ang mga Gender and Development (GAD) activities na pawang nilalaanan ng 5 porsyento mula sa budget ng mga ahensya ng pamahalaan.

Layunin ng suhestyon ni Garin na lubos na matutukan ng gobyerno ang pagkakaloob ng suporta sa mga Pilipino sa gitna ng nararanasang pandaigdigang krisis sa langis.

Diin ni Garin, ang dapat unahin ngayon ay ang pagkain, pamasahe, at kuryente ng bawat pamilyang Pilipino.

Ayon kay Garin, pwedeng pag-aralan ng gobyerno ang posibilidad na gamitin ang bahagi ng pondong nakalaan sa GAD na pangtulong sa mga kababaihan at mga sektor na labis na apektado ng krisis.

Nilinaw naman ni Garin na hindi kasama sa dapat isantabi ang mga kritikal na gender services tulad ng mga programa para labanan at tugunan ang karahasan sa mga kababaihan, gayundin ang para sa kalusugan at proteksyon ng mamamayan.

Facebook Comments