Lalaki, naaktuhang ‘namboboso’ ng kapwa pasahero sa jeep

Kumakalat ngayon ang video ng umano’y pamboboso ng isang lalaki sa babaeng estudyante na kapwa niya pasahero sa jeep sa Biñan, Laguna.

Kuwento ng biktimang si Janine Badillo sa kanyang Facebook post, Setyembre 2, papasok siya sa eskwela nang makasabay niya ang lalaki sa jeep na biyaheng mula Pacita papuntang Olivarez, Biñan.

Umupo raw ang lalaki sa tapat niya na ilang saglit lang ay naglabas ng cellphone at nagsimulang mag-video.


Makikita sa video na ipinuwesto ng lalaki ang cellphone sa pagitan ng kanyang mga hita.


Ayon pa sa biktima, napansin niyang parang inaayos pa ng lalaki ang anggulo ng cellphone.

Isang pasahero naman ang sumita sa lalaki nang makitang nakabukas pa ang flash ng camera nito, dahilan para pansamantalang tumigil ang lalaki, ngunit maya-maya rin ay bumalik sa pag-vivideo.

Dala ng takot, walang nagawa ang biktima kundi kuhanan na lang din ng video ang insidente.

“Iba pala talaga pag sayo nangyari ang mga ganitong sitwasyon akala ko dati kaya kong sigawan o sitahin ang ganto kapag napapanood ko sa mga post ng ibang tao pero in actual pala, sobrang hirap, nakakatakot at nakakapanglumo,” ani Badillo.

Facebook Comments