Isang 34-anyos na lalaki ang humaharap sa kasong culpable homicide matapos nito aksidenteng mabaril ang sariling ama habang nangangaso sa isang gubat sa Southern Italy.
Patay ang biktima na kinilalang si Martino Gaudioso, 55, na sinasabing napuruhan sa tiyan.
Ayon sa report, magkahiwalay na nag-hunting trip ang dalawa sa Postiglione Southern Italy noong Linggo, at parehong naghahanap ng baboy nang biglang nakakita ng anino mula sa kakahuyan ang anak.
Agad nagpaputok ng baril ang lalaki sa pag-aakalang isang baboy ang nakita at sa hindi inaasahang pangyayari, tatay niya pala ang kanyang natamaan at napuruhan ito sa ibabang bahagi ng tyan.
Nang matauhan sa nangyari, agad na humingi ng tulong ang lalaki ngunit hindi na nagawa pang maisalba ng mga doktor ang buhay ng kanyang ama.
Samantala, ayon sa pulisya, hindi na raw pinapayagan ang kahit sino na mangaso sa nasabing lugar.
Sa pahayag naman ni Michela Vittoria Brambilla, presidente ng national animal defense league, dahil sa nangyari ay itinuturing na nilang ‘Wild West’ ang pinangyarihan ng insidente.
Ayon naman sa minister ng Italya, nagpatawag na raw umano noong nakaraang taon ng national ban on Sunday hunting matapos mabaril ang isang menor de edad sa kaparehong lugar.
Sinasabing napagkamalan rin daw itong baboy kaya aksidente rin itong napatay.