TIRUBATI, India – Sa pag-aakalang mayroon siyang nakamamatay ng sakit na coronavirus, nagpakatiwakal ang isang 50-anyos na lalaki para umano protektahan ang kanyang pamilya.
Ayon sa the Times of India, una nang nagamot sa ospital si K. Bala Krishna sa pagkakaroon nito ng lagnat ngunit agad namang nasiguro ng mga doktor na ligtas siya mula sa kinatatakutang virus na kumitil na ng mahigit 1,000 katao sa buong mundo.
Ngunit sa kabila raw ng pagtitiyak ng mga doktor, noong Pebrero 10, Lunes nang magsimulang manood ng mga videos si Krishna tungkol sa mga sintomas ng coronavirus kaya umano ito nakumbinseng mayroon siyang sakit base sa salaysay ng anak nitong si Bala Murali.
“My father watched coronavirus-related videos the whole day on Monday and kept saying he had similar symptoms,” aniya.
Tumawag din sa mga government-sponsored hotline si Krishna kung saan sinabihan itong wala dapat ipag-alala dahil hindi naman umano siya nagpunta ng China.
Sa kabila nito, Martes daw ng biglang kandaduhan ni Krishna ang kanyang pamilya sa loob ng kanilang bahay habang siya ay nagpunta naman sa libingan ng ina.
Agad na nakahingi ng tulong ang kanyang pamilya sa kapitbahay para makalabas sila ngunit sa kasamaang-palad, huli na nang matagpuan nila si Krishna na nakabigti sa isang puno malapit sa kinasasadlakan ng ina.