Natagpuang wala nang buhay ang isang person under police custody matapos umanong magbigti sa loob ng custodial facility ng pulisya sa Bugallon noong umaga ng Marso 15, 2026.
Batay sa ulat ng pulisya, alas sais ng umaga nang madiskubre ng isa ring person under police custody ang lalaki na nakabigti sa loob ng palikuran.
Sa paunang imbestigasyon, gumamit umano ang lalaki ng strap ng ice box na itinali sa kanyang leeg habang ang kabilang dulo ay nakakabit sa bakal na grills ng bintana.
Agad namang rumesponde ang desk officer at isang patroller na noon ay naglilinis sa paligid ng himpilan.
Kaagad nilang tinawag ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council at isinugod ang lalaki sa ospital para sa agarang medikal na atensyon, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Nabatid na naaresto ang lalaki noong Marso 12 kaugnay ng reklamong panghahalay sa dalawang menor de edad at nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings para sa dalawang bilang ng rape.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari sa loob ng custodial facility. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







