Lalaki, nagmaneho ng nakaw na kotse para puntahan sa presinto ang kapatid — na nakulong sa pagnanakaw ng kotse

1065

Arestado ang isang lalaki sa Kansas, USA matapos mahuling nagmamaneho ng ninakaw na kotse papuntang presinto para umano pyansahan ang kapatid na nakulong dahil din sa pagnanakaw ng kotse.

Unang nadakip si Eric Dean McCracken, 36, na nahuling sakay ng nakaw na 2007 Trailblazer nang may suspendidong lisensya sa Topeka noong Biyernes, ayon sa inilabas ng Jackson County Sheriff’s Office.


Ilang oras makalipas, inaresto naman ang nakababata niyang kapatid na si Keith Ray McCracken, 32, matapos sundan ng pulisya ang GPS ng nawawalang 2015 Silverado.

Ayon sa awtoridad, pinaniniwalaang papunta ang nakababatang McCracken sa Jackson County Jail para pyansahan ang kapatid.

Nagtangka pa umanong takbuhan ni Keith ang pulisya ngunit naabutan rin ng police dog.

Nahaharap ang magkapatid sa kasong may kinalaman sa pagnanakaw, lisensya, at pag-iwas sa awtoridad.

Facebook Comments