Lalaki, nakaligtas sa ligaw na bala dahil sa taco

Pinasasalamatan ng isang lalaking nakaiwas sa ligaw na bala ang kinakain niyang taco habang nagmamaneho sa Arizona, US.

Bumibiyahe sa Houghton Road si Ryan Bishop nang bigla umanong nabasag ang salamin ng kanyang sasakyan noong Nob. 17, ayon sa ulat ng KOLD News 13.

Inakala ni Bishop na bato ang nakabasag sa bintana, ngunit nang huminto para siyasatin ang pinsala, nakarinig siya ng mga putok ng baril.


Agad siyang bumalik sa loob ng sasakyan at nagmaneho palayo sa lugar ng insidente.

Habang tumatawag ng pulis, saka lang napagtanto ni Bishop na muntik na siyang mapahamak nang makita ang bala ng baril sa dashboard ng sasakyan.

Paliwanag ni Bishop, kung hindi dahil sa kinakain niyang taco nang nagyari ang insidente, malamang ay napuruhan ang kanyang braso.

Ugali niya raw kasi tuwing nagmamaneho na buksan lang ang bintana at ipatong ang braso sa pasimano, kung saan tumama mismo ang ligaw na bala.

“I’m pretty sure [eating a] taco saved my life, or at least stopped my arm from getting blown apart. I had the window closed because I didn’t want pieces of the taco flying around,” aniya.

Hiling ni Bishop na makarating ang storya sa nagpaputok ng baril at mapagtantong muntik na siya makakitil ng buhay.

Nanawagan din siya sa publiko na iwasang magpaputok malapit sa mga main road na dinadaanan ng marami araw-araw.

Facebook Comments