Lalaki, nakiusap sa korte na payagan siyang makipag-espadahan sa kaalitan na dating asawa

Humiling sa hukom ang isang lalaki mula Kansas, US na pahintulutan ang “trial by combat” upang tuldukan ang sigalot nila ng dating asawa at abogado sa pamamagitan ng espadahan.

Inirereklamo ni David Ostrom, 40, ang dati niyang misis na si Bridgette Ostrom, 38, at abogado nitong si Matthew Hudson sa paninira umano sa kanya sa paraang legal, ayon sa Des Monies Register.

Nakiusap si Ostrom sa Iowa District Court na bigyan siya ng 12 linggo para humanap ng katana at wakizashi swords para sa hinihiling niyang laban.


“To this day, trial by combat has never been explicitly banned or restricted as a right in these United States,” pangangatwiran ng lalaki sa korte.

Umiikot ang alitan ng asawa sa kostudiya at visitation rights, pati na rin bayad sa property tax.

Nag-ugat din daw ang galit ni Ostrom sa abogadong si Hudson, na nagsabing maaaring mauwi sa pagkamatay ang tunggalian–bagay na mas mabigat sa problema sa kostudiya at property tax.

Nakiusap ang abogado na suspendehin ang visitation rights ni Ostrom at isailalim ito sa court-ordered psychological evaluation.

Sinabi naman ng hukom na ipagpapaliban niya muna ang desisyon dahil sa kakulangan sa mosyon ng parehong panig.

Facebook Comments