Lalaki, nalapnos ang katawan matapos mahulog sa hot spring sa US

DANIEL SLIM/AFP/Getty Images

Nagtampo ng matinding lapnos sa katawan ang isang lalaki matapos itong mahulog sa hot spring sa Yellowstone National Park sa Wyoming, US.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong Linggo nang manghingi ng tulong ang biktima sa kalagitnaan ng gabi.

Sa report na inilabas ng National Park Service (NPS), nahulog umano sa kumukulong tubig si Cade Edmond Siemers, 48, nang hindi ito sa boardwalk, o sa tamang daanan naglakad.


Ito ay sa kabila ng babala ng naturang park na “always walk on the boardwalks”.

Wala rin daw dala-dalang flashlight si Siemers nang mangyari ang insidente.

“The ground in hydrothermal areas is fragile and thin, and there is scalding water just below the surface,” pahayag pa ng NPS.

Sa kabila ng pangyayari ay nagawa pa umanong maglakad ni Siemers pabalik sa Old Faithful Inn, kung saan siya nanatili ng araw na iyon, at dito siya humingi ng tulong.

Agad naman dinala ng ambulansya si Siemers patungong West Yellowstone Airport at lumipad papuntang Idaho Falls kung saan inihatid siya sa burn center ng Eastern Idaho Regional Medical Center.

Kaugnay nito, lumalabas sa ulat na mayroon daw mga sinyales na nakainom ang biktima dahil nakita ang sapatos ni Siemers, at ang isang lata ng beer sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng NPS sa nangyari at inaalam pa kung mayroong damage o sira sa nasabing hot spring.

Agad raw nilang ihahatid ang resulta sa US Attorney’s Office para sa posibleng isampa kay Siemers.

Sinasabi ring swerte pa umano si Siemers dahil nakaligtas ito matapos ang nangyari.

Noon kasing 2016, isang lalaki mula Oregon ang nahulog sa parehong hot spring at hindi na narekober pa ang katawan nito.

Facebook Comments