Isang lalaki sa Texas ang nanloob ng bangko bago ang araw ng kasal para mabayaran ang singsing ng nobya at gastusin sa venue, ayon sa pulisya.
Ayon kay Trinity County Sheriff Woody Wallace sa isang Facebook Live, pinagnakawan ng kinilalang si Heath Bumpous ang Citizens State Bank malapit sa Houston nitong Biyernes.
“He basically stated that he was getting married tomorrow so he didn’t have enough money for a wedding ring that he wanted to buy and he needed to pay for the wedding venue,” ani Wallace.
Nilooban umano ng 36-anyos na suspek ang bangko, humingi ng pera at nagbanta na may dala siyang armas.
Umalis si Bumpous dala ang hindi nabanggit na halaga ng pera.
Ipinaskil ng awtoridad sa social media ang ilang paglalarawan ng suspek at kuha mula sa surveillance video ng bangko.
Nakilala si Bumpous ng kanyang kasintahan sa mga larawan at kinumbinsi ito dalawang oras makalipas ang insidente na sumuko sa Houston County na malapit kung saan sila naninirahan.
Narekober naman mula sa suspek na nahaharap sa kasong pagnanakaw ang perang nakuha nito.
Sa ulat ng NBC News nitong Lunes, nasa kustodiya pa rin ng pulisya si Bumpous na inilipat sa Trinity County Jail.
Hindi na natuloy ang kasalan na gaganapin dapat noong Sabado.
“No wedding took place that I know of. It didn’t happen in my jail,” ani Wallace.