Lalaki, nanloob sa isang parmasya dahil umano sa anak na may sakit

(PhiladelphiaPolice)

PHILADELPHIA, Pennsylvania – Isang lalaki ang nanloob sa parmasya at nag-iwan ng sulat sa kahero na nagsasabing kailangan niya ng pera para sa anak na may sakit.

Sa inilabas na video ng Philadelphia police, mapapanood ang pagpasok ng suspek na nakasuot ng gray na jacket sa Rite Aid store, ika-3 ng Enero saka kumuha ng ilang bagay at ini-abot sa empleyado ng tindahan.

“Give me all the money. I’m sorry, I have a sick child. You have 15 seconds,” naka-saad sa sulat na ibinigay ng lalaki.


Wala namang makikitang kahit anong armas ang suspek maliban sa naturang papel.

Maya-maya, matapos mabasa ng kahero ang papel, agad itong naglagay ng pera sa supot at ini-abot pabalik sa suspek.

Mahinahong umalis ang lalaki at ipinasok sa kanyang bulsa ang plastik na may lamang gamot at pera.

Hindi naman matukoy ng mga pulis ang suspek ngunit nailarawan itong nasa edad 30 hanggang 40 at may taas na 6 feet.

Samantala, buwan ng Hulyo nakaraang taon nang mayroon ding nanloob sa isang tindahan sa lugar para naman sa kidney transplant ng anak ng naturang nanghimasok.

Kaugnay nito, sinasabi namang walang koneksyon ang dalawang insidente ngunit kagaya ng nangyari nitong buwan, hindi rin natukoy ng awtoridad ang suspek.

Facebook Comments