LALAKI, NASAWI MATAPOS SAKSAKIN NG KANIYANG KAINUMAN

Nasawi ang isang 21 anyos na construction worker matapos saksakin ng kainuman sa Brgy. Tuliao, Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ekslusibong panayam ng IFM News Dagupan kay Sta. Barbara Police Station Officer in Charge PLtCol. Michael Datuin, nag-umpisa umanong magkasagutan ang dalawa matapos utusan ng biktima ang kaibigan ng suspek na alisin ang suot na sumbrero.

Dahil dito, nainis Umano ang suspek saka kinuha nito ang kutsilyo sa kanyang motor at pinagsasaksak ang biktima.

Bago pa umano ang insidente, may dati nang hindi pagkakaunawaan ang dalawa.

Saad ng suspek sa kapulisan, pinagtulungan umano siyang bugbugin ng grupo ng biktima kaya nagawa ang krimen.

Nagtamo ng apat na saksak ang biktima dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.

Sumuko ang suspek sa awtoridad at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Paalala ng opisyal na huwag pairalin ang kalasingan upang hindi makapanghamak ng kapwa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments