Hindi na nagawa pang sumailalim sa COVID-19 test ang isang 71-anyos na lalaki nang mamatay ito habang naghihintay sa parking lot ng clinic sa Utah, US.
Sa report ng KSTU news agency, sakay ng van ang matanda at nasa drive thru testing site sa Intermountain Healthcare clinic sa North Oregon para sa test, nang mangyari ang insidente.
Ngunit nang makarating daw ang sasakyan sa mismong testing tent makalipas ang ilang miniuto, ikinagulat ng driver at caretaker na isa ng malamig na bangkay ang matanda.
Sinubukan pang isalba ang hindi pinangalanang pasyente kung saan tumawag pa ng tulong ang staff ng clinic– ngunit hindi sila nagtagumpay.
Saad ng Intermountain, hindi bababa sa 45 minuto ang ginawang paghihintay ng mga sasakyan bago tuluyang maisalalim sa test ang mga pasyente.
Samantala, cardiac respiratory arrest ang sinasabing ikinamatay ng biktima.
Maaaring dahil daw ito sa heart attack na posibleng kumplikasyon ng COVID-19 o anumang health issues.
Isinailalim na rin sa awtopsiya ang bangkay para alamin ang tunay na ikinamatay ng matanda.