Nasawi ang isang mangangaso matapos itong atakihin ng usang binaril niya sa gubat ng Yellville, Arkansan US nitong Martes, Oct. 23.
Ito ay matapos akalain ni Thomas Alexander, 66, na napatay na niya ang usa sa naturang lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, matapos barilin ni Alexander ang hayop, lalapitan niya na umano ito kasama ng kanyang pamangkin para kunin.
Makailang saglit pa ay natagpuan na lamang ng pamangkin nito na sugatan na si Alexander ngunit nagawa pa raw niyang magsalita at tumawag sa kanyang pamilya para ibalita ang nangyari.
Ayon sa Arkansas Game and Fish Commission, bago pa man maidala ng paramedics team sa ospital ang biktima ay binawian ito ng buhay.
Sa pahayag ng opisyal, maaari ring heart attack ang naging sanhi ng pagkamatay ng lalaki.
Kaugnay nito, madalas raw namamali ang mga mangangaso sa pag-aakalang napapatay na nila ang mga usa kapag nabaril at natamaan na nila ito.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lamang daw aatake ang mga ito kapag nilapitan sila para tingnan at suriin.
Para naman kay Joe Dale Purdom mula sa Game and Fish Commission, para raw masigurado na patay na ang isang usa, hintayin na hindi ito gumalaw sa loob ng 15 hanggang 30 minutes.
Samantala, hindi na natagpuan ang naturang usa matapos ang insidente.