Lalaki, patay matapos barilin sa ulo at bibig

Muntinlupa City – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa gilid ng riles ng PNR sa Brgy. Buli Muntinlupa City kaninang alas dose y media ng hatinggabi.
Walang pagkakakilanlan na nakuha sa lalaki na nakasuot ng itim na sando at shorts at may balot din ang ulo.
Ayon kay Kagawad Kaok Loresca, nakatanggap na lang sila ng tawag mula sa residente na nakarinig ng tatlong putok ng baril sa lugar.
Bago nito ay may nag-tip na sa kanila na may lalaking sapilitang isinakay sa motorsiklo ng dalawang suspek sa bahagi ng Concepcion Road.
Hindi na raw nagpakilala ang tumawag sa barangay at walang detalye na ibinigay kaugnay sa mga suspek.
Nang iproseso ng SOCO ang crime scene, nakakuha ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45.
Nagtamo rin ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo at bibig.
Tikom naman ang mga residente sa lugar. Inaalam pa ng Taguig police ang pagkakakilanlan ng biktima.

Facebook Comments