Patay ang isang 15-anyos na lalaki matapos ma-overdose sa drugs na ibinigay sa kanya ng ina.
Natagpuang wala ng buhay si Tyler Peck habang natutulog matapos umanong bigyan ng ina nitong si Holly Strawbridge, 34, ng morphine at iba pang uri ng drugs ang kanilang iniinom, Biyernes ng gabi sa Salcombe, United Kingdom.
Sa inilabas na ulat ng Plymouth Crown Court, iginigiit umano ng ginang na ang pangyayari ay isa lamang ordinaryong gabi.
Biyernes ng gabi nang magkayayaan si Tyler at ang kanyang mga kaibigan na lumabas at dalawa sa kanila ang nagpasyang manatili sa bahay nina Tyler at doon magpalipas ng umaga.
Ang isa sa mga bata ay dumiretso na sa kwarto para matulog samantalang si Tyler at ang isa pang kaibigan ay sinamahan ang ina nito sa kusina kung saan naabutan nilang may hawak itong beer at peach schnapps.
Dito ay binigyan umano ni Strawbridge ang mga bata ng drugs na Oramorph, isang uri ng liquid medication at Gabapentin.
Ipinasubok rin daw niya sa dalawa ang Valium at isang painkiller na Cocodamol.
Sa salaysay ni Simon Laws, ang Queen’s Counsel ng naturang korte, “She would mix the contents of some of the tablets into the boys’ drinks. She offered them Oramorph from the bottle cap and she would also mix it in their drinks.”
Humithit rin daw ang dalawang bata ng usok mula sa erosol.
Bandang alas 2:30 am nang magpasya ng matulog si Tyler at ang kaibigan ngunit makalipas lamang ang ilang oras ay natagpuan na siyang walang buhay.
Drugs overdose ang itinuturong dahilan ng pagkamatay nito.
Sabi ni Laws, “Any parent with an ounce of interest in their children’s welfare would do anything in their power to prevent a child from doing these things. But there she was doing it with her son and also his friend.”
Dagdag pa niya, nakakalungkot ang naturang pagkamatay dahil ang mismong naging dahilan ng pagkasawi ni Tyler ay ang kanyang ina.
Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng desisyon sa korte.