Lalaki, patay matapos mapisa ng bumigay na elevator

FDNY on the scene (via Twitter)

Nakuhanan sa CCTV ang katakot-takot na sandali na nasawi ang isang lalaki matapos mapisa ng bumigay na elevator sa isang gusali sa New York, nakaraang linggo.

Palabas na sana sa elevator na may sakay na pitong tao, ang biktimang kinilalang si Sam Waisbern, 30, residente ng Manhattan Promenade tower kung saan nangyari ang insidente.

Sa footage na nakuha ng New York Post, makikitang ligtas na nakalabas ang isang lalaki na sinundan ni Waisbern, bago tuluyang bumagsak ang elevator.


Sinubukan pang kumapit ng biktima sa pinto para makaakyat palabas, ngunit patuloy ang pagbaba ng elevator.

Agad ikinasawi ng biktima ang pangyayari.

Nasagip naman ang lima pang sakay ng elevator na bumulusok sa basement.

Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang dahilan ng pagpalya ng elevator.

Ayon sa Department of Buildings sa lungsod, bagama’t wala pang nagreklamo sa partikular na elevator, mayroon nang ipinatigil na elevator sa gusali noong Mayo.

Isang residente rin sa gusali ang nagsabing minsan ay tumatalon o lumalagpas ng isang palapag ang naturang elevator.

Facebook Comments