Lalaki, patay matapos sumali sa taco-eating contest sa California

151

Isang kalahok ang nasawi sa amateur taco-eating contest na bahagi ng minor league baseball game sa California, Martes, ayon sa awtoridad.

Naisugod pa sa ospital ngunit namatay din kalaunan ang biktimang kinilalang si Dana Hutchings, 41, ng Fresno.


Ayon kay Fresno County Sheriff Tony Botti, agad binigyan ng first aid ng medical staff si Hutchings nang mapansin na nabibilaukan ito.

Sinubukan pang alisin ng paramedics ang mga pagkaing bumara sa daluyan ng hangin ng biktima, ngunit namatay din ito makalipas ang 30 segundo.

Isa sa mga nanonood ng paligsahan ang nagsabing napansin niyang sobrang bilis kumain ni Hutchings kumpara sa mga katunggali nito.

Pitong minuto na raw sa laro ang biktima nang bigla itong natumba at tumama pa ang mukha niya sa lamesa.

Nagsagawa na ng autopsy upang tukuyin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Hutchings.

Hindi pa rin malinaw kung ilang taco ang nakain ng biktima.

Noong 2018 Taco Eating Championship sa Fresno, nanalo ang professional eater na si Geoffrey Esper matapos makakain ng 73 taco sa loob ng walong minuto.

Facebook Comments

From Advertisers