Lalaki, Patay Matapos Sumalpok sa Sasakyan

Cauayan City, Isabela- Dead on arrival sa pagamutan ang isang lalaki matapos sumalpok sa kasalubong na sasakyan ang minamaneho nito sa kahabaan ng Barangay Centro, Amulung, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Marlon Soriano, 34 anyos, magsasaka at residente ng Barangay Agani, Alcala, Cagayan habang ang suspek ay nakilalang si Apolinario Turo, 43 anyos, negosyante, may-asawa at residente ng Barangay Alabug, Tuao West, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumabaybay sa lansangan ang biktima pataungong Aparri, Cagayan lulan ang minamanehong motorsiklo na may plakang BC 39367 habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang sasakyan na may plakang WSG 813.


Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nag-overtake ang biktima sa sinusundang trailer truck subalit hindi nito napansin ang kasalubong na sasakyan na minamaneho ng suspek.

Sumalpok ang motorsiklo ng biktima sa sasakyan at nagtamo ito ng matinding pinsala sa katawan at ulo.

Dinala sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ito ng buhay.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang dalawang sangkot na behikulo para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments