Lalaki, patay nang tangkaing sagipin ang alagang aso sa hot spring

Unsplash

Buhay ang ibinuwis ng isang 32-anyos na lalaki sa Mexico sa kagustuhang mailigtas ang alagang aso.

Pumanaw si Pablo Fustec, dual citizen ng France at Mexico, nito lamang buwan matapos tumalon sa hot spring kung saan nahulog ang alagang Great Dane na si Sasha.

Nangyari ang insidente noong Hunyo 13 nang magkakasamang nag-hiking si Fustec, ang nobyong si Jonathan Ramos, at tatlong alagang aso.


Sa ulat ng Associated Press, isinalaysay ni Sophie Fustec, kapatid ng biktima, na noog mahulog si Sasha ay walang pagdadalawang-isip na sumunod ang amo sa bukal, sanhi ng tinamo nitong malubhang paso sa buong katawan.

Sa kasamaang palad, agad ikinamatay ng aso ang nangyari, habang si Fustec naman ay 40 minutong ipinasan ng nobyo bago maisakay sa ambulansya.

Nalapnos ang halos 70 porsyento ng katawan, at nagtamo ng septic shock si Fustec, kaya naglunsad ng blood drive ang kanyang mga kaanak at kaibigan para sa mga kakailanganing operasyon.

Ngunit matapos ang unang operasyon noong Hulyo 4 ay binawian din ng buhay ang amo.

Tinawag ni Sophie na “extreme act” ang ginawa ng kapatid, subalit sinabi raw ni Fustec na parang anak niya na ang mga alagang aso at malamang ay pareho rin ang gagawin niya kung ibang tao ang nalagay sa panganib.

Si Sasha ay inampon ni Fustec nang mamataan niya ito sa kalsada matapos ang matinding lindol na kumitil sa buhay ng maraming tao sa Mexico noong 2017.

Facebook Comments