Arestado ang isang lalaki matapos umanong pagpapatayin at tapyasan ng balat ang mga alagang aso ng mga kapitbahay sa David sa Kentucky, US.
Balot ng dugo ang 38-anyos na si Jonathan Watkins nang kumatok sa pinto ng isang kapitbahay para humingi ng sigarilyo noong Disyembre 23, ayon sa affidavit na nakuha ng Louisville Courier-Journal.
Sinabi ng suspek ng nagbabalat siya ng mga hayop, na hindi naman pinaniwalaan ng kapitbahay dahil mayroon umanong record ng sakit sa pag-iisip si Watkins.
Ngunit tinawag ang pulisya nang makita ng kapitbahay ang apat na balat ng aso sa balkonahe ng suspek at mapagtantong nawawala ang dalawa niyang alaga.
Duguan pa rin si Watkins nang dumating ang Kentucky State Police sa kanyang bahay kung saan nakita ang isang malaking hunting knife.
Sinabi umano ng lalaki na gumagawa siya ng “doggy coat” at idinetalye na sinaksak niya ang mga aso sa ulo bago tanggalin ang mga balat nito.
“There isn’t anything wrong with me making myself a fur coat,” giit pa umano ng suspek sa pulisya.
Sinampahan si Watkins ng kasong animal torture at tampering with physical evidence.
Nakatakda siyang sumailalim sa psychiatric testing bago ang susunod na pagdinig sa korte sa Enero 24.