Lalaki, pumutok ang pantog matapos magpigil ng ihi nang 18 oras

Getty Images

Nagtamo ng punit sa pantog ang isang lalaki sa China makaraang pigilan ang ihi nang 18 oras matapos manggaling sa pag-inom ng alak.

Uminom ang kinilalang Mr. Hu, 40, ng higit 10 bote ng beer bago matulog, ayon sa ulat ng Unilad noong June 18.

Nagising na lang daw si Mr. Hu na may iniindang sakit sa tiyan at tuwing hinahawakan niya ang parteng ito.


Dinala sa Zhuji People’s Hospital sa probinsya ng Zhejiang ang lalaki nang umabot na ang pananakit sa puntong hindi na niya umano maihiga ang katawan.

Lumabas sa pagsusuri ng urology department na nagkaroon ng tatlong punit sa pantog ng pasyente na kinailangan agad operahan.

Sinabi ng mga doktor na isa sa mga punit ang sanhi ng pagpasok ng kanyang bituka sa pantog na maaaring mauwi sa pagkamatay ng tissue kung hindi agad naagapan.

Ipinaliwanag din ng mga doktor na hindi nakaramdam ng pagkaihi si Mr. Hu dahil sa epekto ng alak na may kakayahang magpamanhid.

Naging maayos naman ang operasyon at inaasahan ang paggaling ng pasyente.

Bagaman madalang ang ganitong kaso ayon sa mga doktor, maaari pa rin itong mangyari sa kanit sino.

Batay sa ospital, flexible at maaaring lumaki ang pantog ng tao habang kumokonsumo ng likido, ngunit may limitasyon itong 450 hanggang 500 milliliters.

Facebook Comments