Lalaki sa Australia, pinagmumulta dahil sa pagtakas habang naka-quarantine para mabisita ang nobya

Pinagmumulta ang isang 35-anyos na lalaki mula Australia matapos itong tumakas mula pag-seself-quarantine para mabisita ang kanyang nobya.

Ayon sa West Australian police, nahuli noong Linggo ang hindi pinangalanang lalaki na gumamit pa umano ng sasakyan para madalaw ang kanyang kasintahan.

Marso 28 nang dumating ang lalaki sa West Australia galing sa Victoria at kinailangang magself-quarantine sa loob ng 14 araw sa Perth hotel.


Ngunit imbis daw na sumunod ay tumakas ito dahil gusto niya raw makita ang kanyang nobya at wala raw kasing magdadala ng pagkain sa kanya.

Binisita ng mga pulis ang hotel na tinutuluyan ng lalaki ngunit hindi nila ito naabutan doon.

Ayon sa report, umuwi ito makalipas ang 45 minuto at sinabing mayroon lang inasikasong personal na problema.

Sa ikalawang pagkakataon ay binalaan na siya ng mga pulis na hindi na maaaring umalis maliban na lang kung medical emergency ngunit dakong alas 9 p.m., muling tumakas ang lalaki at dumaan sa fire exit para pumunta sa nobya.

Nakuhanan naman sa CCTV footage ang kanyang pagbalik bandang alas 4 a.m.

Sa kwento ng hotel staff, limang beses na raw nilang napapansing umaalis ang lalaki.

Dahil dito ay kinakailan niyang humarap sa korte sa pamamagitan ng video sa darating na Huwebes.

Maaari rin syang pagbayarin ng mahigit P2 million ayon sa report.

Facebook Comments