Lalaki sa Buguey Cagayan, Nakaligtas sa Pamamaril!

Buguey, Cagayan – Nakaligtas ang isang lalaki sa Buguey Cagayan matapos na pagbabarilin ng lalaking kabarangay nito kamakailan.

Kinilala ang biktima na si Edward Costales, apatnapu’t isang taong gulang, may asawa samantala ang suspek ay si Joel Alipio, nasa tamang edad at pawang mga residente ng Brgy. Ballang, Buguey, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng kapulisan sa pangyayari ay bigla na lamang umano pinagbabaril ni Alipio ang biktima habang papunta sa bahay ng kayang bayaw.


Tumakbo naman kaagad si Costales at maswerteng hindi natamaan kahit na hinabol pa ng suspek na sakay ng motorsiklo.

Nakuha sa pinangyarihan ng pamamaril ang dalawang basyo ng caliber 45 at inihahanda na ang kaso laban sa suspek dahil sa ang motibo umano ng pamamaril ay dahil sa kanilang personal na alitan.

Samantala ayon kay Spo2 Rodel Ursua, ang imbestigador ng PNP Buguey na pangalawang beses nang naging biktima ng pamamaril si Edward Costales kung saan noong una ay hindi umano nakilala ang suspek.

Facebook Comments