Labis na ikinalungkot ng pamilya Lebantino ng Brgy. Dalupaon bayan ng Pasacao, Camarines Sur ang pagkamatay ng kapamilya nitong si Joseph Lebantino, edad 27, dahil sa pagkain ng isdang butete particular na ang atay nito.
Ayon sa report, tinapon na umano ang nasabing bahagi ng isda subalit kinuha at niluto pa rin ito ng anak na si Joseph. Ito ay napag-alaman sa pahayag ng mismong ama ng biktima na si Rolando.
Nakakalungkot ang pangyayaring ito dahil nagawa pa umanong magpa-alala ni Joseph sa mga bata sa paligid ng kanilang barangay na huwag-na-huwag o iwasan ang pagkain ng isdang butete dahil maari silang mamatay sanhi ng nakalalasong laman nito lalo na ang atay.
Hindi inakala ng kapamilya ng biktima na siya mismo ay mabibiktima rin ng kanyang sariling paalala sa mga kabataan.
Ayon pa sa kwento ng ama ng biktima, ilang saglit lamang makaraang kainin ni Joseph ang atay ng isdang butete, sumama ang pakiramdam nito, nilagnat at nanigas ang kanyang katawan. Sinikap namang dalhin pa sa pagamutan si Joseph subalit hindi na siya umabot pa ng buhay.
Kaugnay ng pangyayaring ito, muling niyugyog ng panawagan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na maging masigasig sa kampanya nito kaugnay ng nabanggit na peligrong dala-dala ng nasabing isda. Malimit na napapagbuntunan ng sisi ang nasabing ahensiya sa tuwing may ganitong pangyayari sa mga coastal na lugar dito sa probinsiya ng Camarines Sur.