Lalaki sa Cauayan City, Patay sa Aksidente

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki habang sugatan ang pasahero nito matapos maaksidente sa kabahaan ng Rizal Park sa bahagi ng National highway ng brgy San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Teofilo Gaoiran, nasa hustong gulang, walang asawa, helper, residente ng Union, Cauayan City, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, pasado alas 10:00 kagabi nang bumaybay sa kalsada ang biktima lulan ang minamanehong traysikel na walang plaka kasama ang pasahero na kinilalang si Khim Benedict Macadat, 26 taong gulang, may-asawa, truck driver, at residente naman ng District 3, San Manuel, Isabela.


Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nag-overtake ang biktima sa sinusundang sasakyan na minamaneho ni Mervin Cabilez, 31 taong gulang, driver, may-asawa, residente ng Research, Minante 1, Cauayan City, Isabela.

Habang nag-oovertake ang traysikel ay sumalpok ito sa kasalubong sa sasakyan na minamaneho naman ni Benjun Dela cruz, 31 taong gulang, walang asawa, driver, at residente naman ng Sto Niño St. Poblacion, City of Muntinlupa.

Tumilapon sa kalsada ang sakay na traysikel ng biktima at pasahero kung saan humiwalay pa ang motor sa sidecar nito.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at halos humiwalay din ang isang paa ng drayber ng traysikel na agad namang dinala sa ospital sa Lungsod kasama ang sugatan ding pasahero.

Pero, idineklarang dead on arrival (DOA) ng attending physician si Gaoiran habang agad na nilapatan ng lunas ang sakay na pasahero.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot na sasakyan at traysikel maging ang mga drayber ng sasakyan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments