Lalaki sa Cebu, pinatay at binalatan sa mukha

Courtesy Cebu Flash Report WARNING GRAPHIC CONTENT

Paalala: May ilang sensitibong bagay ang naisulat sa artikulong ito. Importante ang patnubay sa mga menor de edad o wala pa sa tamang disposisyon na maaring makabasa ng ganitong istorya. 

Isang panibagong kaso ng lalaking pinatay at pinaghihinalaang binalatan ang mukha ang naganap sa Carmen, Cebu.

Batay sa report ng Carmen Municipal Police Station, narekober ang bangkay ng biktima sa isang bukirin sa Barangay Puente, pasado alas-7 ng umaga nitong Biyernes.

Nakagapos raw ang kamay ng lalaki at tinalupan pa ang mukha, leeg, at tainga hanggang sa lumitaw ang buto.

Natagpuan ng isang magsasaka ang katawan ng biktima nang mapadaan sa sakahan.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaki na kilala umanong pagala-gala at may diperensiya sa utak.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng awtoridad kaugnay sa karumal-dumal na krimen.

Matatandaang binalatan rin ang mukha hanggang sa lumabas ang bungo ng dalagitang si Christine Lee Silawan na nakita sa isang bakanteng lote sa Lapu-Lapu City, Cebu noong Marso 2019.

Halos ganito rin ang sinapit ng 60-anyos na magsasakang si Trinidad Batucan na pinaslang sa Danao City, sa kaparehong lalawigan.

Makalipas ang ilang araw, dinakip sa Davao City ang itinuturong suspek na si Jonas Bueno.

Facebook Comments