Lalaki sa China, nadagdagan ng 100kg ang timbang sa loob ng 5 buwang lockdown

Weibo/Zhongnan Hospital of Wuhan University

Itinuturing nang pinakamabigat na tao sa Wuhan, China ang isang 26-anyos na lalaki matapos madagdagan ang timbang nito ng 100kg makaraan ang limang buwan na lockdown dahil sa COVID-19.

Dinala sa ospital ang kinilala lamang sa apelyidong Zhou noong Hunyo 1, kasunod ng paghingi nito ng tulong dahil dalawang araw na umanong hindi nakakatulog.

Tumitimbang ng 178kg si Zhou noong nakaraang taon bago lumobo sa 280kg makalipas ang limang buwan, ayon sa Weibo post ng Zhongnan Hospital of Wuhan University via Daily Mail.


Sadyang hirap umanong magbawas ng timbang ang pasyente na sumubok na rin ng iba’t-ibang paraan ng pagpapapayat.

Dating nagtatrabaho sa cafe si Zhou, at ayon sa kanya, hindi na siya lumabas pa muli sa bahay magmula nang umiral ang lockdown kontra virus noong Enero.

Nong Mayo 31 nang makatanggap ng tawag si Dr. Li Zhen ng Zhongnan mula kay Zhou na nagsabing, “Doctor, I haven’t closed my eyes for 48 hours. It’s so uncomfortable. Can you help me?”

Kinabukasan agad isinugod sa ICU si Zhou na pinagtulungang buhatin ng anim na security personnel at apat na medical workers.

Matapos ang paunang pagsusuri, nakitaan ng heart failure at respiratory dysfunction ang pasyente.

Naging stable naman ang kondisyon nito makaraan ang siyam na araw sa ICU, saka inilipat sa regular ward ng ospital noong Huwebes.

Nakatakdang sumailalim sa operasyon si Zhou kung saan babawasan ang bahagi ng kanyang tiyan, ngunit bago ito ay kailangan niyang magbawas ng 25kg sa loob ng tatlong buwan.

Facebook Comments