CHONGQING, China – Isang lalaki ang nagtangkang sunugin ang kanyang sarili nang ikansela ng awtoridad ang kanyang birthday dinner dahil sa kinatatakutang coronavirus.
Sa ulat ng state news agency, nakaplano na ang 59-anyos na lalaki para sa isang salu-salo noong Enero 28 nang pigilan siya ng lokal na opisyal bilang pagsunod umano sa pagpapabawal ng mga pagtitipon sa China.
Ngunit sa kabila umano nito, sinubukan pa rin ng naturang lalaki na hikayatin ang mga opisyal dalawang araw bago ang party at nang mabigo, dito na niya pinagtangkaan ang sariling buhay.
Nang hindi raw napapapayag ang awtoridad, nagtali ng paputok sa buong katawan ang lalaki saka binuhusan ng gasolina ang kanyang dibdib at naglabas ng lighter para simulan ang panununog.
Gayon pa man, hindi ito nagtagumpay sa ginawang pananakot at agad na sinampahan ng ‘disorderly behavior’ dahil sa kanyang ikinilos.
Samantala, mula nang kumalat ang virus, ipinagbawal na ang mga pagtitipon at salu-salo sa China upang mapigilan umano ang mabilisang pagsiklab ng sakit na kumitil na sa mahigit 1000 katao at nakapagdulot na ng impeksyon sa mahigit 40,000 sa loob lamang ng ilang buwan.