Lalaki sa Ilagan City, Arestado Matapos Ireklamo ng Kapit-bahay!

City of Ilagan, Isabela – Hinuli ng mga otoridad ang isang lalaki matapos ireklamo dahil sa tangkang pagpasok sa bahay ng kanyang kapit-bahay na may hawak na baril sa Brgy. Baligatan, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Efren Abu, tatlumpu’t isang taong gulang, walang asawa, samantala ang nagreklamo ay kinilalang si Mara Linda Cue Umipig, animnapu’t dalawang taong gulang, may asawa at empleyado ng isang bangko sa City of Ilagan, Isabela.

Sa imbestigasyon ng PNP Ilagan, unang nagkaroon umano ng pag-aaway ang suspek at ang ka-live in partner na kinilala sa pangalang Myna Leanillo at pagkatapos ay kumuha ng baril ang suspek at nagtangka umanong pumasok sa bahay ni Umipig.


Dahil dito ay lumabas ng kanyang bahay si Umipig at humingi ng tulong sa mga opisyal ng nasabing barangay.

Sa pagresponde ng mga tauhan ng PNP Ilagan ay nahuli ang suspek at nakuha sa pag-iingat nito ang isang homemade 12 guage pistol kung saan ay nasa himpilan na ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments