Sa kagustuhan umanong mapalubag ang loob ng kinikilalang “goddess” o bathala upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus, isang lalaki sa India ang pinutol ang kanyang sariling dila.
Ayon sa the Times of India, nagtatrabaho bilang ‘stonecutter’ sa Bhavani Mata temple ang 24-anyos na si Vivek Sharma kasama ang kanyang kapatid at pitong iba pa nang maging maalam sila tungkol sa kumakalat na sakit.
Base sa kwento ng kasamahang si Brijesh Singh Saab Singh sa awtoridad, deboto raw si Sharma ni Kali Mata, isa sa mga kinikilalang diyosa sa India.
Kamakailan lang ay naririnig daw nito na paulit-paulit binabanggit ni Sharma ang ngalan ng naturang bathala.
Hanggang nito lamang Sabado, nagpaalam daw itong pupunta sa palengke ngunit hindi na raw ito bumalik sa templo.
Nang tumawag ang kanyang kapatid, isang lalaki ang sumagot sa telepono at ibinalitang hiniwa ni Sharma ang kanyang dila habang nasa Nadeshwari temple sa Gujarat.
Dahil dito ay agad itong isinugod sa ospital kung saan ginagawan ng paraan ng mga doktor na maikabit ang naputol nitong dila na umano’y hawak-hawak pa niya noong Linggo.
Sa ulat ng pulisya, noong mga nakaraang araw ay gusto raw umuwi ni Sharma sa kanilang lugar ngunit hindi ito naging posible dahil sa lockdown.
Patuloy namang inaalam ng mga pulis ang totoong naging motibo ng insidente.