Nabigla ang isang ina sa India nang utusan niya ang anak na mamili ng groceries, at bumalik itong kasama ang ipinakilalang kabiyak.
Hindi makapaniwala, inireklamo ng nanay sa Ghaziabad police ang ginawa ng anak noong Miyerkules, ayon sa ulat ng ANI.
“I had sent my son to do the grocery shopping today, but when he returned, he came back with his wife. I am not ready to accept this marriage,” hinaing ng ina.
Nang kausapin ng pulis, sinabi ng 26-anyos na lalaki na palihim silang ikinasal ng misis dalawang buwan na ang nakararaan, ngunit hindi sila nabigyan ng marriage certificate dahil sa kakulangan ng saksi.
Plano naman daw nilang ayusin ang dokumento at ipaalam sa ina ang kasalan, ngunit naudlot ito dahil sa ipinatupad na lockdown laban sa COVID-19.
Ayon pa sa lalaki, nagdesisyon siyang iuwi na sa bahay ang asawa matapos itong paalisin sa inuupahang kuwarto sa Delhi.
Pero dahil tutol ang ina na tumuloy ang mag-asawa sa bahay, pakikiusapan umano ng pulisya ang landlord ng inuupahan ng babae na payagan silang manatili roon pansamantala.
Sa sumunod na ulat, kinumpirma ng isang pulis na hindi sang-ayon ang pamilya ng lalaki sa naganap na kasal dahil nabibilang umano sa ibang estado ang babae.