Lalaki sa Italy, itinago ang sintomas ng coronavirus sa takot na maantala ang nakaplanong operasyon

(Unsplash)

Humaharap sa 12 taong pagkakakulong ang isang lalaki mula Italy matapos nitong itago ang sintomas ng coronavirus sa takot na maanatala ang nakaplanong nose operation.

Ayon sa ulat ng La Repubblica, nangyari ang insidente noong nakaraang Linggo sa Parini Hospital sa Aosta, Italy.

Nagpunta raw ang lalaki sa ospital para sa naturang surgery ngunit bago pa man siya mailagay sa operating room ay napansin ng anesthesiologist ang pagtaas ng kanyang body temperature.


Makalipas ang ilang sandali ay nagpasya ang mga doktor na isailalim siya sa isang test kung saan nakumpirmang mayroon itong COVID-19.

Agad daw siyang pinauwi para sumailalim sa self-quarantine ngunit huli na dahil nahawa na umano ang mga doktor at nurse na nakasalamuha ng lalaki.

Ayon sa karagdagang ulat, nagtatrabaho ang nasabing lalaki sa isang resort sa Aosta kung saan nakakahalubilo niya ang maraming turista mula Lombardi, ang coronavirus epicenter sa Italy.

Kwento raw ng lalaki, doon pa lang ay nakakaramdam na siya ng sintomas ng kumakalat na virus kagaya ng ubo.

Hindi raw niya ito agad ipinaalam dahil sa takot na hindi matuloy ang kanyang nose operation.

Samantala, ilang araw matapos ang nangyaring insidente, pumanaw ang isang doktor na nag-asikaso sa lalaki dahil sa coronavirus.

Sa ngayon ay isa ang bansang Italy sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng virus sa buong mundo.

Mayroon ng mahigit 2,000 katao ang namatay at libo-libong nahawa ng virus sa naturang bansa.

Facebook Comments