Tuesday, February 10, 2026

Lalaki sa Quezon City, arestado matapos magnakaw ng LPG sa kusina ng isang establisyimento

Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos na maaresto sa ikinasang follow-up operations ng Kamuning Police Station 10 sa Barangay Sacred Heart, Quezon City.

Batay sa ulat, papunta ang biktima sa kaniyang tindahan nang makatanggap siya ng notification mula sa kanilang CCTV.

Nakuhanan ng CCTV ang suspek na kinilala na si alyas ‘Steve’, 23-anyos sa loob ng kusina at sinusubukang nakawin ang LPG ng establisyimento

Dahil dito ay agad na isinumbong ng biktima ang panloloob ng suspek sa pulisya.

Sinubukan pang tumakas ng suspek sa mga awtoridad nang basagin nito ang glass door ng tindahan at umakyat sa rooftop sa kalapit bahay pero nahulog ito kalaunan.

Nang lapitan naman ito ng mga pulis ay binunot pa nito ang dalang improvised firearm bago tuluyang maaresto.

Nakumpiska sa kaniya ang Glock 9mm replica, isang magazine, at ang ninakaw na gasul.

Samantala, lumabas naman sa records ng pulisya na dati nang naharap si alyas ‘Steve’ sa kasong Theft noong September 2024 at October 2025.

Mahaharap ang suspek sa patung-patong na kaso kabilang ang Attempted Theft, Malicious Mischief, at Grave Threats.

Facebook Comments