HOUSTON, Texas – Huli na nang malaman ng isang lalaki na positibo ang kanyang ina sa coronavirus disease 2019 (C0VID-19) matapos niya itong halikan sa noo ng ilang beses para magpaalam.
Nito lamang Biyernes nang ibigay ni Samuel Roy Quinn ang kanyang huling paalam sa inang si Peggy Smith, 87 dahil sa malalang kondisyon nito dulot ng Alzheimer’s disease sa isang nursing home sa Houston.
Ngunit bago ito, limang oras pang nagkasama ang dalawa at makailang ulit pang hinawakan sa kamay at tinanggal ni Quinn ang suot na face mask para yakapin at halikan ang ina.
Ayon dito, nang makapagpaalam na umano siya at umalis na sa nursing home, isang empleyado ang tumkabo patungo sa kanya para sabihing nagpositibo ang kanyang nanay sa coronavirus.
At nito lamang Sabado ng umaga ay binawian ng buhay si Smith.
Saad ni Quinn, “I would have not stayed there that long if I knew she had coronavirus.”
Aniya, tiningnan pa ng isa sa mga staff ang temperatura ni Smith noong dalawin niya ito at wala namang lumabas na kahit anong sintomas ng virus.
Dahil dito ay naging kampante umano si Quinn na makasama at makausap pa ang ina sa loob ng ilang oras kahit na nahihirapan na itong huminga na isa rin sa mga sintomas ng COVID-19.
Nadismaya umano siya sa mga staff na hindi siya pinayuhan tungkol sa posibilidad na mayroong virus ang ina at sa hindi pagpayag ng mga ito para masilip nila ang wala ng buhay na si Smith.
“We weren’t able to see her in final days, but she gets it anyway. And then they let me go in there without telling me,” sabi niya.
Sa ngayon ay nag-seself-quarantine si Quinn sa kanilang bahay sa San Leon.
Samantala, plano naman ni Dr. Philip Keiser, top health official ng lugar kung saan nakalagak noon si Smith na pagbawalan ang mga staff at nurse na magtrabaho sa ibang pasilidad.
Inatasan din umano nila ang mga ito na alertohan ang kani-kanilang pamilya sakaling may isang nagpositibo sa virus.
Wala namang inilabas na pahayag ang nasabing nursing home laban sa nangyari.
Kaugnay nito, ang Texas ay mayroon ng kabuuang bilang na 6,112 kataong nagpositibo sa COVID-19 at 109 dito ang nasawi ayon sa tala noong Sabado ng hapon.