Arestado ang isang lalaki mula Florida, US matapos nitong takutin at utusang magmaneho ang 17-anyos dalagita para umano makalusot sa checkpoint.
Sa report ng awtoridad, nangyari ang insidente noong umaga ng Mayo 21, nang tangkain ni Alexander Michael Sardinas, 37, at kasama nitong 43-anyos na ginang na pasukin ang Florida Keys ng walang ID.
Ito ay sa kabila ng pagpapasara sa lugar mula nang kumalat ang COVID-19, sa pamamagitan ng checkpoint.
Nagtungo raw sa isang parking lot ang dalawa saka sinimulan ang planong kausapin ang biktima.
Gamit ang sasakyan ng dalagita ay pinilit nila itong magmaneho para makapasok sila sa lugar.
Binalaan ng suspek ang biktima na huwag magsusumbong at huwag hawakan ang kanyang telepono.
Nang makarating sa checkpoint ang tatlo, agad daw ipinakita ng dalagita ang kanyang lisensya at ID kaya nakapasok ang kanyang sasakyan sa Florida Keys.
Bumaba raw sa isang gas station si Sardinas habang sa isang parmasya naman ang kasama nitong babae.
Dito na umano humingi ng saklolo ang biktima sa kanyang pamilya para tawagan ang pulisya.
Nahuli si Sardinas at agad dinala sa kulungan.
Samantala, hindi pa malinaw kung dumalo na sa korte ang suspek.