Lalaki sinakal ang kapatid dahil sa password ng WiFi, kulong habambuhay

Napatunayang guilty ang isang lalaki sa pananakal sa kanyang kapatid dahil sa internet sa kanilang bahay sa Georgia, United States.

Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang 18-anyos na si Kevon Watkins nitong Agosto 2, base sa pahayag ng Macon Judicial Circuit District Attorney’s Office.

Nangyari ang insidente noon pang Pebrero 2, nakaraang taon, nang palitan ng suspek ang password ng kanilang WiFi para umano hindi madistorbo sa kanyang paglalaro.


Nang hingian ng kanilang nanay ang password, nagmatigas si Kevon na nauwi sa kanilang pagtatalo.

Sa takot na baka saktan ng binata ang ina, pumagitna sa pagtatalo ang kapatid na si Alexus Breanna dahilan para humantong ang magkapatid sa pisikalan.

Tumawag ang ina sa emergency hotline na 911 nang hindi maawat ang magkapatid sa pag-aaway.

Sa paglilitis ng kaso, tumestigo ang isang pulis na naabutan niya pang sinasakal ng suspek si Alexus, 10 minuto mula nang tumawag ang ina.

Lumabas pa sa ilang pagsusuri na halos 15 minutong sinakal ni Kevon ang biktima.

Nagsagawa pa ng cardiopulmonary resuscitation ang awtoridad sa biktima, ngunit namatay din ito sa ospital.

Bagaman hindi intensyong patayin ang kapatid, itinuturing pa rin itong felony murder dahil nauwi sa kamatayan ang ginawa ng suspek.

Facebook Comments