
Isang 57-anyos na lalaki ang nasugatan matapos pagsasaksakin sa naganap na insidente bandang alas-2:00 ng hapon noong Abril 12, 2026 sa Asingan, Pangasinan.
Ayon sa imbestigasyon, nag-ugat ang insidente sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at ng suspek, isang 72-anyos na lalaki na kapwa residente ng lugar. Nabatid na dumating ang suspek sa tapat ng bahay ng biktima sakay ng motorsiklo bago bumaba at komprontahin ang huli.
Mabilis na nauwi sa mainitang pagtatalo ang sitwasyon na kalaunan ay humantong sa pisikal na pananakit. Sa gitna ng kanilang pag-aaway, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima upang mabigyan ng agarang lunas, habang naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek kasama ang ginamit na patalim para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










