Lalaking bumaril sa isang ambulance driver sa Quezon, nadakip na

Facade of Peter Paul Medical Center at Candelaria, Quezon. Image from Google Maps

QUEZON – Nasakote na ng pulisya ng lalaking namaril sa isang ambulance driver na naghahatid at nagsusundo ng mga frontliner sa isang pagamutan sa bayan ng Candelaria.

Nadakip ang suspek na si Ramil Agno Alcantara, 45-anyos, sa kaniyang bahay sa Barangay Malabanban Norte noong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon, kinompronta ni Alcantara ang biktimang si Sofronio Agno Ramilo dahil pinapasok nito sa subdivision ang minamanehong ambulansiya na aniya nagsasakay ng COVID-19 patients.


Ipinaliwanag ni Ramilo na hinahatid at sinusundo niya lamang ang mga health worker mula sa Peter Paul Medical Center at agad nililinis ang sasakyan para maiwasan ang nakakahawang virus.

Subalit imbis na unawain ang dahilan, bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan nito ang biktima.

Naisugod sa ospital ang drayber na nagtamo ng sugat sa kamay at daliri.

Lumabas din sa isinagawang pagsusuri na maaring hindi na makapagmaneho pa si Ramilo.

Kinasuhan ng frustrated homicide si Alcantara na nasa kostudiya ngayon ng Candelaria Police.

Facebook Comments