Arestado ang isang lalaki matapos umaming tinabasan ang tainga ng tuta gamit ang gunting noong Pebrero 20, sa Tennessee, United States.
Nadiskubre ang sugatang hayop habang naghahalughog ng droga sa bahay ni Nakial Bett, batay sa ulat ng WREG.
Nadatnan ng pulisya ang 45-anyos na karga-karga ang naturang tuta na nakabalot sa tuwalya sa loob ng kotse sa harap ng kanyang bahay.
Sinabi ni Bett sa awtoridad na gumamit siya ng isterilisidaong gunting sa paggupit ng tainga ng hayop at ginamot niya raw agad ang sugat nito.
Dalawa pang aso na pinangalanang Mama at Hitman, ang natagpuan sa loob ng bahay ng lalaki.
Kahit malulusog ang dalawa, minabuti ng Memphis Animal Services (MAS) na kuhanin ang mga ito at ipaampon, habang inilipat naman sa pagamutan ang sugatang si Bruno.
Dinala ng pulisya sa kanilang kostudiya si Bett na sinampahan ng aggravated cruelty to animals.
Ayon kay MAS director Alexis Pugh, hindi siya naniniwala sa pagpuputol ng tainga ng mga aso, ngunit kung kinakailangan, dapat ay nasa pangangalaga ng beterinaryo.