Sugatan ang tatlong katao matapos mamaril ang isang lalaking inasar na “supot” sa Barangay Corro-oy, Santol, La Union, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni Major Silverio Ordinado Jr., information officer ng La Union Police Provincial Office (LUPPO), ang 30-anyos na suspek na si Mac Joel F. Obedoza.
Agad naman isinugod sa Balaoan District Hospital sila Aljon Oribio, 24; Harry Sabado, 17; at Jayson Sabado, 20, dahil sa mga tinamong tama ng bala.
Batay sa imbestigasyon, nag-iinuman sa bahay ng isang nagngangalang Ricardo Sabado ang tatlong biktima nang biglaan dumaan si Obedoza at tinawag itong “supot” o hindi tuli ng isa sa kanila.
Nauwi sa matinding pagtatalo ang pag-uusap ng apat hanggang sa tuluyang umalis ang suspek.
Pero maya-maya pa, bigla itong bumalik sa lugar at pinagbabaril sila Oribio, Jayson, at Harry. Maayos na ang kalagayan ng tatlo na nagpapagaling ngayon sa pagamutan.
Naaresto naman ng pulisya kinalaunan si Obedoza na nahaharap sa reklamong frustrated murder.