Lalaking may Down syndrome, nasawi dahil sa COVID-19 sa mismong kaarawan

NEW JERSEY – Pumanaw ang isang lalaking may Down syndrome dahil sa coronavirus mismong kanyang ika-30 kaarawan, siyam na araw makaraang masawi ang kanyang ina.

Ayon sa report, nasawi si Thomas Martins, 30, noong Abril 6 matapos mamatay ang inang si Carolyn Martins-Reitz noong Marso 28 sa Clara Maas Medical Center dahil sa COVID-19.

Malungkot na ibinalita ng stepdad ni Martins na si Rudy Reitz ang nangyari sa asawa’t anak.


Saad nito sa BuzzFeed, ang mag-ina ay parehong itinuturing na mundo ang isa’t isa.

“Her entire life revolved around making sure that Thomas was healthy, loved, and stayed active,” aniya.

Kwento niya, naisugod sa ospital ang anak noong Marso 23 matapos itong ubuhin na lumala kalaunan.

Dagdag ni Reitz, sa kabila ng karamdaman ay paulit-ulit daw tinatanong ng anak ang magiging plano sa kanyang paparating na birthday party.

Ilang oras bago ito masawi, nagtungo ang 20 niyang mga kaklase mula sa Felician School for Exceptional Children in Lodi para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.

Nagbigay din ng birthday cake at pizza ang kanyang eskwelahan at kinantahan pa ito ng “Happy birthday” song.

Ayon kay Reitz, hindi nagtagal ay binawian ng buhay ang kanyang anak kaya ang huling salitang narinig nito ay ang mga taong kumakanta ng “Happy birthday” para sa kanya.

Samantala, labis namang pangungulila ang nararamdaman umano ng buong komunidad sa pagkamatay ng mag-ina.

Ilang dekada rin daw na nagsilbing presidente ng local Rosary Society si Martins-Reitz at naging aktibong miyembro ng St. Casimir’s Roman Catholic Church sa Newark.

Nagtrabaho rin ito bilang graphic designer sa Archdiocese of Newark.

Facebook Comments