Lalaking may down syndrome, patay matapos makatulugan ng caretaker sa loob ng mainit na sasakyan

Pinellas County, Florida– Nasawi ang 26-anyos na lalaking may down syndrome matapos itong makatulugan ng tagapag-alaga niya sa loob ng mainit na sasakyan.

Kinilala ang biktima na si John Lapointe, na sinasabing hindi nakakapagsalita at walang kakayahang alagaan ang sarili dahil ang abilidad niya ay pang 1-taong gulang na bata lamang.

Photo courtesy: nbcnews

Ayon sa report, dinala ng caretaker na si Joshua Russell ang biktima sa ospital para sa check up nito at nang pabalik na sila para ihatid si Lapointe pauwi ay dumaan raw muna sa bahay si Russell.

Naiwan raw si Lapointe sa loob ng sasakyan habang si Russell ay umuwi saglit at doon  tumira umano ito ng Kratom, isang halaman na minsan ay ginagamit na droga.

Sinabi ni Russell na gumamit raw siya nito para hindi makatulog at mas maging alerto.

Bumalik si Russell sa loob ng van para magmaneho pauwi ngunit nakaramdam umano ito ng pagkahilo at pagkaantok kaya nagpasyang itigil ang sasakyan sa parking lot at saka pinatay ang makina maging ang air conditioner ng van.

Dagdag pa ng awtoridad, habang natutulog si Russell ay naiwan sa backseat si Lapointe na naka seat belt pa.

Nagising raw si Russell na pawis na pawis pagkaraan ng ilang oras at dito napansin nitong hindi na humihinga ang alaga.

Sinubukan pa raw umano nitong iCPR si Lapointe ngunit hindi na raw ito nairevive pa.

Ayon naman sa ina ng suspek, tumawag raw sa kanya ang anak at sinabi nitong magpapakamatay dahil sa nangyari kaya agad na dumulog ang ina sa pulisya.

Samantala, humaharap sa kasong ‘aggravated manslaughter’ si Russell habang nasa kustodiya na ng pulisya.

Naiulat rin na umabot raw sa 125 degrees ang loob ng sasakyan at bago pa man dumating ang mga pulis ay patay na si Lapointe.

Facebook Comments