Tinukoy ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isang solvent boy ang lalaking nag-viral sa social media makaraang magharang at nangikil ng pera sa mga motorista sa bahagi ng Mandaluyong City.
Sa interview ng RMN Manila kay MMDA Task Force for Special Operations Colonel Bong Nebrija, sinabi nito na nakahithit ng solvent ang nasabing palaboy.
Aniya, tinangkang hulihin ng mga MMDA traffic enforcers ang lalaki pero tumakbo ito.
Batay sa Facebook post ng motoristang si Mane Teodoro, ikinuwento nito na Martes ng hapon habang nasa gitna ng traffic sa EDSA ay humarang sa kanyang sasakyan ang isang lalaki na humihingi ng pera.
May hawak na bato ang palaboy at sumenyas ito na babatuhin ang sasakyan niya kung hindi ito magbibigay ng pera.
Magbibigay na sana ng pera ang motorista pero P100 ang hinihingi ng lalaki at nang tumanggi siyang magbigay ay ipinasok ng lalaki ang kamay nito sa salamin ng kanyang sasakyan pero inipit niya ito dahil sa takot.
Habang nakaipit anya ang kamay ay pinukpok ng lalaki ng bato ang windshield ng sasakyan ni Teodoro at ginasgasan nito ang sasakyan.
Dahil sa takot ay pinatakbo ni Teodoro ang kanyang sasakyan at naghanap siya ng mapagsumbungan.
Bunsod ng pangyayari, pinag-aaralan na aniya ng MMDA na bakuran na ang center aisle ng EDSA upang hindi na pagpugaran ng mga palaboy.
Nagpayo rin ang MMDA na agad mag-report sa kanilang mga tauhan o bumusina ng malakas para makatawag pansin kapag naharap sa parehong sitwasyon.