Lalaking nagbibiskleta na ibinaba ang facemask para uminom ng tubig, ‘hinuli’ ng pulisya

COURTESY MICHAEL MANALAYSAY | NEWS5

“Inaresto” ng pulisya ang isang lalaking nagbibisikleta sa Marikina City dahil umano sa hindi tamang pagsusuot ng facemask noong Agosto 8. Pero paliwanag ng siklista, ibinaba niya ang facemask dahil iinom siya ng tubig.

Sa Facebook, ikinuwento ni Michael Manansala na pansamantala siyang huminto sa isang gilid para makapagpahinga sandali at uminom nang madatnan ng mga awtoridad.

Nagbibiskleta ang lalaki mula Montalban, Rizal hanggang Mandaluyong City upang makapasok lamang sa trabaho.

“Nagpahinga lang ako dahil ang layo ng bina-bike ko… Bigla ako hinuli ng mga pulis ng walang warning,” ayon kay Manansala.

Isinakay siya sa police mobile at saka dinala sa headquarters kung saan siya kinunan ng mugshot.

Pinagmulta rin ang siklista ng P1,000 bunsod ng umano’y paglabag sa quarantine protocol.

“Para akong holdaper o rapist na pinicturan pa ako na may hawak na karatula. Feeling ko sobrang laki ng kaso. Binaba ko lang facemask ko para uminom,” giit pa ni Manansala.

Kaya panawagan niya sa mga kinauukulan, sana raw ay maging patas sila at huwag pairilin ang pagiging gahaman ngayong panahon ng pandemya.

“Magtulungan tayo, hindi ‘yung manggugulang ng tao. At ‘yung 1k na hiningi niyo sa akin, mahirap hanapin ‘yan lalo na’t walang-wala kami ngayon. Pang bigas na rin ‘yang 1k na ‘yan,” dagdag ng siklista.

Wala pang inilalabas na pahayag ang Marikina Police hinggil sa insidente.

Sa ilalim ng Ordinance No. 47, mandatory ang pagsusuot ng facemask tuwing lumalabas ng bahay o pupunta sa pampublikong siguro. Papatawan naman ng kaukulang parusa ang sinumang lalabag dito.

Facebook Comments