Lalaking Nagnakaw ng Walong Panabong na Manok at Nasamsaman ng Droga, Arestado!

Cabatuan, Isabela – Arestado ang lalaking nagnakaw ng walong panabaong na manok at nasamsaman ng droga habang nagsasagawa ng police patrol ang mga otoridad kagabi sa Centro Cabatuan Isabela.

Kinilala ang suspek na si Bryan Mesa Siubal, dalawampu’t walong taong gulang, may asawa, mekaniko at residente ng Brgy. 4, San Mateo, Isabela habang nakatakas naman ang kasama ni Siubal na si Jopher Tacayad, residente ng Amistad, Alicia, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng PNP Cabatuan, habang nagpapatrolya umano ang mga alagad ng batas ay nakasalubong nila ang isang traysikel na sakay ng mga suspek at dahil sa kahinahinala umano ang galaw ng mga ito at pinatigil at inimbestigahan.


Agad na tumakbo si Tacayad habang wala namang masabi at maidahilan sa mga panabong na manok na nasa loob ng kanyang traysikel si Siubal.

Dahil dito ay dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek at habang isinagawa ang pagkapkap kay Siubal ay nakuha mula sa kaliwang bulsa ng kanyang pantalon ang isang pakete ng shabu.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong pagnanakaw at paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act laban sa suspek at patuloy na pagtukis sa tumakas na kasama nito.

Facebook Comments