Huli ang isang lalaking nagpapakilalang contractor sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Circumferential Road Brgy. San Jose, Antipolo City.
Kinilala ang suspek na si Fernando Olemos na inireklamo ng isang Maria Luisa Regalado Antonio matapos magpakilalang contrator na nagsu-supply ng metal plates o marker sa mga Sangguniang Kabataan sa iba’t ibang barangay.
Batay sa reklamo ni Antonio, hinikayat siya ng suspek na mag-invest ng P779,000 sa project nito na metal plates na idi-display sa mga harap ng bahay ng mga taga Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
February 25, 2020 nagbigay ang complainant sa suspek ng halagang P126,000 at May 19, 2020 nang manghingi ulit ito ng P20,000 cash.
Ngayong buwan nanghihingi ulit ang suspek pero naghinala na ang biktima kaya nagtanong na ito sa Brgy. Pinagbuhatan kung mayroon silang kasalukuyang proyekto kaugnay sa paglalagay ng mga mga metal plates sa harap ng mga bahay at nakumpirma rin na wala silang kilalang Fernando Olemos Jr.
Dahil dito, humingi ng tulong ang complainant sa CIDG kaya ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Sa ngayon nahaharap na itong sa kasong Estafa.